Me2Me2We Workshop, Tagumpay na Idinaos!
By: Razelle M. Cabasagan, PNS Batch 15
Aktibong nakilahok ang mga iskolar ng PNS Batch 15 sa kanilang kauna-unahang workshop na Me2Me2We 2.0 na pinangunahan ng PFI Team. Isinagawa ito noong ika-20 at ika-21 ng Nobyembre, taong kasalukuyan sa ganap na alas tres ng hapon. Layunin ng nasabing programa na pag-ibayuhin ang kaalaman at kakayahan ng mga iskolar pagdating sa Self-Awareness at Self-Management.
Naging malaman ang talakayan ukol sa mga tampok na konsepto, mula sa kahulugan, katuturan at paglalapat ng mga ito sa tunay na buhay. Ayon sa PFI Team, mainam na ang mga iskolar, bilang isa sa mga inaasahang lider sa hinaharap ay magkaroon ng Self-Awareness at Self-Management- ang pagiging lider ay nagsisimula muna sa sarili patungo sa kapwa, hanggang bayan. Dagdag pa nito, magagamit ang mga kakayahang ito lalo na sa panahon ngayon na kabi-kabila ang mga hamon at gawaing kinakailangan.
Bukod sa diskusyon, kinagiliwan rin ng lahat ang iba’t ibang aktibidad at palaro gaya ng patok na paggawa ng memes at pagbuo ng puzzles. Nagkaroon pa ng break out rooms na kung saan malayang nakapagbahagi ang bawat isa tungkol sa kanilang mga interes, pinagdaraanan at kasalukuyang kalagayan.
Hindi man naganap ng pisikal ang pagdaraos ng programa, nagawa naman ng birtwal na pamamaraan na mapaglapit-lapit ang lumalaking pamilya ng Phinma Foundation. Dakong alas siyete na ng gabi ng lisanin ng lahat ang meeting room. Tiyak na hindi lamang bagong kaalaman ang napulot ng mga nakilahok kung hindi mga karanasan rin na hindi malilimutan.